MANILA, Philippines- Makatutulong ang paglikha pa ng mas maraming trabaho sa energy at manufacturing industry para mapagaan ang kahirapan sa bansa.
Ayon kay Presidential Adviser on Poverty Alleviation Larry Gadon, nakatuon ang kanyang pansin sa paghikayat sa mas marami pang foreign investments sa mga nasabing industriya sa pagsisikap na magbukas ng karagdagang job opportunities para sa mga Filipino.
“In fact, I have been talking to and meeting with a lot of foreign investors who are interested in putting up power plants,” ani Gadon.
“Ang ating President (Ferdinand R. Marcos Jr.), his advocacy is to provide electricity even to the farthest areas. ‘Yun kasing electricity, iyan talaga ang makakapagbigay ng bagong economic activities in any place. So, it will create more jobs and more economic activities, more economic development. ‘Yun ang target namin diyan,” dagdag niya.
Tinuran pa ni Gadon na sasabihin niya sa Pangulo ang pangangailangan na makalikha ng mas maraming trabaho sa larangan ng energy at manufacturing.
Sa katunayan, nakausap na niya ang Office of the President (OP) para sa posibleng implementasyon ng panukala.
“Iyan ang projects na pwede kong ipasa sa Office of the President para sa implementation,” ayon kay Gadon sabay sabing “We are already doing the details of the work. Once these are completed, I will report it to President Marcos.”
Paliwanag ni Gadon, ang kanyang tungkulin bilang presidential adviser on poverty alleviation ay may limitasyon kung saan hindi siya maaaring direktang magpatupad ng anumang anti-poverty initiatives.
“Ang ginagawa ko lang is to submit to the President, to the Office of the President, the ideas that should be implemented to combat poverty. Marami naman tayong na-suggest and some of them are being done,” pahayag niya.
Mayroon din aniyang “ongoing survey’ sa hanay ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan na nakatatanggap ng direktang foreign donations para sa kani-kanilang poverty alleviation programs.
Ang mga kinauukulang ahensya naman aniya ay inatasan na magbigay ng impormasyon at datos ukol sa donasyon na kanilang tinatanggap mula sa ibang bansa para paghusayin ang implementasyon ng anti-poverty programs.
Alinsunod ang hakbang na ito sa pangako ni Pangulong Marcos na magpatupad ng “one government approach” sa pagtugon sa kahirapan sa bansa.
“Malaki ang nabawas doon sa poverty level natin. And marami pa kaming mga programa,”ayon kay Gadon sabay sabing, “Tuluy-tuloy ang programa ng Marcos administration at magaling naman ang ating Presidente at napakaganda ng kaniyang mga programa.”
source:
Remate
by Kris Jose
Comments